![Col. Daniel J. Dequito Jr. Regional Director BJMP-RO XII](https://nobleteachers.wordpress.com/wp-content/uploads/2015/08/dex-1.jpg?w=300&h=300)
Col. Daniel J. Dequito Jr.
Regional Director
BJMP-RO XII
Mahigpit ang pagkakahawak ni Dex sa Himnariong tangan habang sumasabay sa himig ng awit. Pakiramdam niya’y tila napakagaan ng kanyang katawan. Nanunuyo ang kanyang lalamunan at may kung anong bumabara rito. Maya-maya pa’y bumukal na ang luha sa kanyang mga mata. Ayaw niya sanang umiyak ngunit wala siyang magawa upang pigilin ang mga tila kristal na umaagos sa kanyang pisngi. Habang ang tinig ng mga umaawit ay pumapailanlang, higit namang napapalakas ang kanyang paghikbi. Nagunita niya ang mga pangyayari sa kanilang buhay ilang buwan na ang nakaraan.
Taong 1997 noon, nanunungkulan si Capt. Daniel J. Dequito Jr., Dex sa mga kaibigan, bilang warden ng Cavite City. Sa loob ng pinangangasiwaang bilangguan, maraming dumadalaw na iba’t-ibang tagapangaral ng relihiyon. Marami sa mga bilanggo ang nakikinig sa mga ito, bagaman ang iba’y nagpapalipas oras lamang. Natawagan ng pansin si Dex sa pagkakasalungatan ng mga ipinapangaral ng iba’t ibang tagapagturo. Haya higit siyang naging mapagsuri anupa’t sa mga oras na walang gawain ay binabasa niya ang Biblia. Lingid sa kanyang kaalaman, napansin ni Kapatid na Alvin Reynoso ang kanyang lumalagong interes sa relihiyon.
Isang araw natagpuan na lamang ni Dex ang isang Pasugo sa ibabaw ng kanyang mesa. “Sir, kung may panahon po kayo, magandang basahin ‘yan,” ani Alvin.
“Ganoon ba? Saan naman galing ito?” tanong ni Dex habang binubuklat ang ilang pahina ng babasahin.
“Magasin po ‘yan ng Iglesia Ni Cristo.” Nangingiting sagot ni Alvin.
Hindi na nagawang tumugon pa ni Dex sa tinuran nito dahil naagaw ang kanyang pansin ng isang artikulong may paksang ang Iglesia Ni Cristo lamang ang maliligtas. Nawala na sa isip niya ang mga sumunod na pangyayari dahil naging abala siya sa pagbabasa ng artikulong iyon, na sa paksa pa lamang ay tinututulan na ng isip niya. Pakiramdam niya’y hinahamon ang kanyang pananampalataya kaya’t itinala niya ang lahat ng talata ng Biblia na binabanggit sa artikulo.
Patuloy na tumanggap ng Pasugo si Dex at nakawilihan niya itong basahin dahil sa naiibang paraan ng pagtalakay nito sa mga paksa batay sa pagtuturo ng Biblia. Subalit ang hamon ay nanatiling hamon. Itinala ni Dex ang mga puntos na para sa kanya’y hindi kapani-paniwala tulad ng pagiging tao ng Panginoong Jesucristo.
Sa kagustuhan na rin ni Dex, inayos ni Alvin ang paghaharap nila ng ministro ng Iglesia Ni Cristo na si Kapatid na Gary Pascua. Sa kanilang pag-uusap ay isa-isang itinanong ni Dex ang lahat ng mga puntos na itinala niya mula sa pagbabasa niya ng Pasugo at pakikinig sa mga programa ng Iglesia sa radio (DZEM). Laking gulat ni Dex nang ang lahat ng kanyang inihandang tanong ay nasagot nang batay sa Biblia. Gayunman ay may pagsalungat pa rin sa kanyang puso. Inisip niya, “Hindi ito ang huli nating pagkikita. Paghahandaan ko pa ang susunod,” waring siniguro niyang si Kapatid na Gary ay mapapahiya sa susunod nilang pagtatagpo.
Nang sumunod na lingo, dumating ang pinakahihintay na pagkakataon ni Dex na magkaharap silang muli ng ministro. Tulad ng dati, naghanda si Dex ng maraming tanong sa pagtatangkang ipitin ang ministro sa kanilang diskusyon. Ngunit ang nangyari’y salungat sa kanyang inaasahan. Lahat ng kanyang mga tanong ay nasagot ng buong linaw batay pa rin sa Biblia. Naroon pa rin ang pagtutol sa kanyang puso ngunit hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit ganun na lamang ang pagsusumikhay niyang magsaliksik sa mga aral ng Iglesia Ni Cristo na anupa’t walang pagtutol siyang nagpaunlak sa paanyaya ni Kapatid na Gary na dumalo siya sa pagsamba.
Oktubre 2, 1997. Hapon na noon at makulimlim ang panahon, subalit isa si Dex sa makapal na bilang ng mga taong bumabagtas sa daang patungo sa gusaling sambahan sa Lokal ng Cavite City.
Sa loob ng sambahan, nakatawag ng pansin ni Dex ang maayos na kasuotan ng mga mananamba. Bakas sa mga dumalo ang paghahanda nila ng kanilang sarili para sa banal na okasyon, hindi tulad ng ibang pagtitipong panrelihiyong kanyang nadaluhan. Higit siyang namangha sa napansing kaayusan sa loob ng gusaling sambahan. Hiwalay sa pagkaka-upo ang mga babae sa mga lalaki, maayos at maaliwalas ang dako, walang nag-iingay o kaya’y nanggugulo. Bawat isa ay nananalangin sa kanilang pagkakaupo. Napaka solemne ng pag-awit ng mga himno, ang pagtuturo ay malinaw, at hanggang sa abuluyan at paglabas ay napamalagi ang kaayusan.
Ang unang pagsamba ni Dex ay nasundan pa nang maraming ulit at ngayon ay narito siya, sa isang pagsambang pagpapasalamat sa Lokal ng Cavite City na bagama’t hindi pa siya nababautismuhan ay damang dama niya ang kapangyarihan ng Panginoong Diyos na lumulukob sa buo niyang pagkatao. Narito ngayon siya, bagbag ang loob at hindi mapigil ang pag-agos ng luha sa kanyang pisngi. Habang taimtim na nananalangin, pakiramdam niya’y unti-unting gumagaan ang kanyang kalooban – pinagagaan ng kapangayarihan ng Diyos.
Isang bago at matatag na pag-asa ang natanaw niya pagkatapos ng pagsamba. Pakiramdam niya’y nawala na ang gulo sa kanyang puso, napawi na ang pangamba, pag-aalinlangan, at suliranin sa buhay. Anupa’t nasabi niya sa sarili, “Dito ko pala matatagpuan ang kapayapaan na matagal ko nang hinahanap.”
Umusad pa ang panahon. Nagging kasangkapan din sina Kapatid na Moises Valenzuela at Ludy Lara upang lalong makilala niya ang Iglesia ni Cristo at maunawaan ang mga aral nito. Pagkatapos na mapakinggan ang mga pangunahing aral nasinasampalatayanan ng Iglesia Ni Cristo at makapasa sa mga pagsubok, natanggap ni Dex ang pinakamimithing bautismo noong Enero 2, 1999. Itinuturing niya ang araw na iyon na isang ginintuang sandali sa kanyang buhay.
Subalit ang ginto man ay kailangang magdaan sa apoy upang malaman kung ito’y dalisay. Hunyo 7, 1999 noon ng simulang dalawin ang kanyang sambahayan ng mabibigat na pagsubok. Nakatakas ang isang bilanggo sa piitan na kaniyang pinangangasiwaan at sapagkat siya ang tuwirang nananagot dito ay hinatulan siya ang indefinite suspension o pagka-suspinde sa panunungkulan sa loob ng di-tiyak na panahon. Masama man sa kanyang loob ngunitkailangan niyang sundin ang isinasaad ng batas. Ang pangyayaring iyon ay tila isang madilim na ulap na tumatabing sa liwanag ng kanyang pag-asa. Hindi lubos-maisip ni Dex kung paano niya itataguyod ang kabuhayan kaniyang pamilya.
Sinikap nilang palaguin ang kanilang naipon sa matagal na panahon sa pamamagitan ng pagtatayo ng munting negosyo, ngunit sila’y nabigo. Ang kanilang kabuhayan ay halos naubos.
Minsan, sa gitna ng kagipitan ay sinubukan niyang humingi ng tulong sa isang kamag-anak na inaakala niyang dadamay sa kaniya. Umuulan noon. Kilik ang bunsong anak, nilakad niya ang masukal na daan. Matarik ang burol, madulas at maputik ang daan, tao at kalabaw lamang ang makadaraan. Ngunit sa kaniyang pagbati sa kamag-anak ay agad siya nitong tinalikuran. Umuwi siyang bigo.
Naranasan din niya ang matinding pag-uusig. Marami sa mga itinuturing niyang kaibigan ang isa-isang lumayo. Ang iba’y inupatan pa siya at sinabing , “Kung hindi ka umanib sa Iglesia, sana’y hindi ka naghirap.”
Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, nanindigan si Dex at si Zeny, na noo’y nakikinig na rin sa mga aral ng Iglesia Ni Cristo. Hindi nila binitiwan ang kanilang pagka-Iglesia Ni Cristo, sa pag-asang sa pamamagitan nito’y makakamtan nila ang tunay na pagpapala ng Diyos – doon sa pangakong Bayang Banal.
Sa halip na mawalan ng pag-asa, patuloy siyang dumalangin sa Ama na sana’y ibsan ang kaniyang pasan. Nanganlong siya sa Panginoon sa bawat sandali ng kaniyang kapighatian. Anupa’t kung tinalikuran man siya ng iba, higit naman siyang naging malapit sa Panginoon sa panahon ng kagipitan.
Nobyembre 1999, tumanggap si Dex ng isang sulat buhat sa Department of Interior and Local Government. Isang magandang balita ang nilalaman nito: Ibinabalik na siya sa serbisyo. Sa wakas, ang unos sa kaniyang buhay ay unti-unting naglaho, at sumilay na muli ang liwanag. Ang bukang liwayway ay nagbabadya ng isang bago at magandang araw. Sa kagalakan ng kanyang puso, si Dex at ang kanyang sambahayan ay nagpasalamat sa Diyos at sila’y sama-samang nagpuri sa Kaniya.
Noong Disyembre 23, 2000 ay pinagkalooban siya ng ranggong Major at itinalaga siyang Provincial Jail Administrator ng BJMP-Laguna at Warden ng San Pablo City Jail.
Oktubre 15, 2002, itinalaga siya bilang Provincial Jail Administrator ng BJMP-Cavite at Warden ng District Jail sa Naic, Cavite. Ang kanyang mga panalangin ay dininig ng Panginoon kaya’t ang kanyang tagumpay ay sunod-sunod, tulad ng alon sa dalampasigan.
Ang kaniyang maybahay at ang panganay na anak, si Darlene, ay nabautismuhan na rin sa Iglesia Ni Cristo. Ang iba pa nilang anak na sina Dave, Donna, Dan Edward, at Toto Nel ay inihandog nilang mag-asawa sa Panginoon. Sa kasalukuyan ang buong sambahayan ni Dex ay masiglang kaanib sa Lokal ng Magallanes, Cavite at isa siya sa may pinakamaraming bunga sa lokal.
May akda: Rovil R. Villanueva
Author’s Note: Ang k’wentong ito ay unang inilimbag sa Inspirational Lives Section ng magasin na Pasugo God’s Message noong Setyembre 2004, Volume 56, Number 9, at may ISSN 0116-1636.